Nung Grade 4 ako, madalas naming awiting magkakaklase ang mga kanta ng The Beatles. Tagakanta lang ako — vocalista, ‘ika nga. ‘Yung mga barkada ko ang talagang nagtiyagang mag-aral tumugtog ng mga instrumento. Kaya pagdating namin ng high school, sila na ang mga musikero sa mga misang lingguhan at tuwing mga pistá-opisyál sa paaralan namin sa Don Bosco Mandaluyong.
Kailan lang pumasok sa isip ko kasi ‘yung isang sikat na kanta ng The Beatles — “When I’m 64.” Kumbaga, nasa playlist ‘yan ng mga inaawit namin tuwing recess o kaya tanghalian. Kasibúlan pa lang ng aming pagiging tinedyer. Wala sa hinágap namin ‘yung kung aabot nga kami ng edad na 64. Pakanta-kanta lang kami, at hindi dinarama ang mensahe.
Mahigit 360 na araw na lamang ay tutuntóng na ang tambay na ito sa 64. “Kita mo nga naman, tatlong taon ka nang senior citizen,” bati sa akin ng isa sa mga nakatatanda sa grupo naming mga ADHD na ang ibig sabihi’y “all day, huntahan dito.”
Tuwing nagkikita-kita kami ng mga dati kong kaklase, palibhasa mga senior citizens na lahat, bukáng-bibíg na namin na ang humantong sa edad na 60 grásya ni Lord. Mahigit 40 na sa mga dati naming kaklase ang namayapa na. Sa madaling salita, marami ang hindi pinalad makarating sa ganitong edad.
Mabalikan ko lang ‘yung mga kagrupo kong kumakanta ng The Beatles. ‘Yung tatlong kasama ko doon, mga nauna na.
Noon pa man plinano ko nang bumalik at maglingkod sa Simbahan. Noon elementarya at haiskul, volunteer server o lector ako tuwing misa. Sa Don Bosco noong panahon namin, tiyak minsan isang linggo may misa, at may extra pa kapag may okasyón.
Lagpas isang taon na mula nung sumapi ako sa Ministry of Lectors and Commentators ng Archdiocesan Shrine of the Divine Mercy sa may Mandaluyong City Hall complex. Feeling full circle ako sa paglilingkod sa misa. Bukod pa riyan, halos apat na beses sa isang linggo na ako makapagsisimba. Dáti-ráti tuwing Linggo lang at kasama ang pamilya.
Nung nagsimba ako nung unang araw ko bilang 63 ányos, abót-abót sa pasasalamat ang paulit-ulit kong panalangin. Salamat at niloob ni Lord na makarating ako rito at binigyan pa ako ng lakas makapagsilbi.
Nagpasalamat din ang tambay dahil nakapagsusulat pa rin siya ng kolum.
Marahil kapag nasa ganitong yugto na tayo ng buhay natin, papasok talaga itong mga “existential” na kaisipan. Katawan mo mismo kasi ang magpapaalala sa iyo.
Halimbawa, nung isang araw ay nagkahika ako, at nahirapan ako huminga. Matagal-tagal nang panahong hindi ako pinarusahan ng hika ko. Pero ‘yung pagbabalik na iyon, parang solid jab sa dibdib ko. Isip ako nang isip kung ano ang kumalabit sa matinding pagbabalik ng asthma ko. Ang tanging naalala ko lang ay ‘yung naglakad ako nang ilang minuto o segundo sa ambon. Sabi ko, “Ambon lang nagkakaganito na ako?”
Meron pang ibang paalala. Itong sumasakit ang hinlalaki ko sa kaliwang kamay. Nasa lahi kasi namin ang mataas na uric acid. Kaya panay ang exercise ko sa kamay ko. Naalala ko ‘yung lolo ko at mga tiyuhin ko, puro may bukol sa kamay at nanigas na ang mga daliri. Hula ko, doon din ang tungo ko.
Madali na rin akong mangalay kapag matagal nakaupo. Ramdam ko ‘yan kapag nagmamaneho at naipit sa trapik nang mahigit isang oras. Pagbaba ko ng sasakyan, pagíwang-gíwang muna ako maglakad. Dumidiretso rin naman ang paglalakad ko sa kalaunan.
Hindi ko na isasama rito sa listahan ko ng senior blues ang aking pagiging makakalimutin at antukin. Dati na kasi ako makakalimutin. Nung minsan, hinahanap ko kung saan ko naiwan ang relo ko. Hanap ako nang hanap sa buong bahay. Hanggang sa nakita ko ‘yung relo — suot-suot ko na pala.
Sa pagiging antukin naman, sapól sa naaalala kong madali akong antukin. Nung sports writer ako, pinagtatawanan ako ng mga kapwa ko péryodísta. Nakapikit daw ako habang nagkokober sa press box na nasa gilid lang ng court.
Isa sa perks naming mga senior citizen ang libreng parking sa mga mall sa Mandaluyong bilang residente ng lungsod. May discount naman ang parking sa ibang lugar sa Metro Manila maliban sa Makati. At ang paborito ko sa lahat ay ang diskuwento sa gamot, pa-doktor, at pa-laboratory.
Maraming réstorán din na welcome at sakto sa batas ang mga senior citizen’s discount. Pero may mangilan-ngilan pa rin ang maraming palusot. Saka ko na isusulat ‘yung tungkol diyan.
Isa sa napansin ko, mula nang sumapi ako sa seniors club, ay ang pagkakaiba ng kuwentuhang seniors sa karaniwang mga usapan. Na-interview ko sa programa sa radio ang kinatawan ng senior citizens sa Kamara ng mga Representante. Nasabi ko sa kanya na ang representative ng seniors ay hindi nandadaya ng edad, hindi gaya nung araw na overaged ang representative ng youth party list. Medyo hindi na-gets ni Cong ‘yung icebreaker ko.
Sa interbiyu, talagang masasabi mong usapang seniors. Pareho kami ni Cong, at pati ‘yung mga nagtatanong puro mga makakalimutin at paulit-ulit ang sinasabi. Hindi ka magdududa na mga senior kami.
Bago ko pala makalimutan, nakabasa ako ng komento sa social media na parang ganito ang sinabi: “Meron bang ganun? Meron bang 30-second ads?” Pagkabasa ko ng comment, nasabi ko sa sarili ko, “Hay, ang mga bata!”
‘Nga pala, si Paul McCartney, ‘yung miyémbro ng The Beatles na original lead vocals ng kantang “When I’m 64,” ay 84 ányos na. – Rappler.com
Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.

