Kaugnay ito ng isang open letter sa social media. Nilalaman ng sulat na kumbinsihin akong mag-apply bilang presidente ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela.Kaugnay ito ng isang open letter sa social media. Nilalaman ng sulat na kumbinsihin akong mag-apply bilang presidente ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela.

[Tabas ng Dila] Kabuhayan showcase

2026/01/06 11:30

Kapag bumati tayo ng “Masaganang Bagong Taon!” sa iba, ang sagana ay lagi nang kaakibat ng kabuhayan. Naghahangad tayo ng masaganang kabuhayan sa ating minamahal lalo’t hindi naman sila contractor o congressman o senador o kahit sino patabaing politikong nananagana ang buhay. Oo, may mangilan-ngilan pa ring bumabati ng “Manigong Bagong Taon!” kahit na estranghero naman sa atin ang ibig sabihin ng “manigo.” We don’t say, “Wow, ang porma mo ngayon ha, manigong-manigo ang buhay mo.” Hindi. Malinaw sa atin ang masagana. Naghahangad tayo maging masagana sometimes to a fault. Tingnan na lamang ninyo ang mga nagpakasagana mula sa buwis natin na hanggang ngayon ay hindi pa rin naipakukulong.

Hindi naman natin sinasabing “Masaganang Bagong Taon sa malinis na paraan!” Masyadong mahaba. May presumption kasi tayo na sa malinis na paraan ang pagpapasagana ng kabuhayan at hindi galing nakaw at kriminalidad. Kabuhayan. Hindi natin sinasabing “masagana ang love life” though pupuwede rin naman ito lalo sa mga salawahan.

Itong “Masaganang Bagong Taon!” ang dahilan kung bakit ko ito isinulat. Hinahangad ko itong kasaganahan sa iba at para rin sa pamilya ko, siyempre sa malinis na paraan kahit pa ang kaakibat ay dagdag na pagod na katawang-lupa. Bukod sa trabaho ko bilang guro, may iba pa akong ginagawa para kahit papaano ay sumagana. Magsulat gaya nito. Minsan, naiimbitahang magsalita at maghasik ng karunungan sa mga seminar at conference. Mag-judge sa contest. At lately, magpatawa. Sinasamantala ko ang ganitong side gig bilang ancillary craft ng pagsulat at sa mismong trabaho sa unibersidad sa kategoryang Professional Practice Outside Teaching. Wala akong masasabing negosyo. Trabaho lang ang mayroon ako, na paminsan-minsan tumataya sa lotto, kaya nananatili ang paghahanagad kong maging masagana.

May masasabing masaganang career. May mga trabahong mataas ang suweldo. At malinaw naman sa bansang ito na hindi ganito ang pagiging guro kahit pa sabihing umangat nang bahagya ang ranggo o nagkaposisyon sa paaralan. Hindi man masaganang-masagana, hindi rin naman masasabing hikahos ang buhay ko. May ilang pribilehiyo ako bilang guro sa aming unibersidad na mahirap nang ipagpalit kung lilipat ako sa ibang unibersidad. Matanda na ako para mag-adjust sa bagong sistema. May mga kaibigan na ako sa kasalukuyan kong trabaho. Hindi ko man aminin, nasa comfort zone na ako kaya nakakagawa ng mga side gig. Pero taglay ko pa rin ang paghahanap ng bago lalo kung ang pagbabago ay makapaglilingkod sa tiyak na geopolitical demographics. Halimbawa ang maging opisyal sa isang pamantasan dahil naniniwala akong may kaya pa akong gawin, kaya kong iwan ang comfort zone kapalit ang isang bagong hamon.

Kaugnay ito ng isang open letter sa social media. Nilalaman ng sulat na kumbinsihin akong mag-apply bilang presidente ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela (PLV). Sa lungsod na iyon ako nanirahan, nagtrabaho, at kalaunan, tinubuan ng sungay. Nagkaroon ng traction sa social media ang open letter. Marami talakayan at pagtatalong nangyari. Hindi rin nakaligtas sa tsismis mula sa Reddit. Kaya naman, sa pamamagitan ng espasyong ito, gusto kong sagutin ang open letter.

Sa mga lumiham sa akin:

Masaganang Bagong Taon sa malinis na paraan sa inyo!

Salamat sa konsiderasyon at pagtitiwala ninyo sa kakayahan ko.

Kinausap ko ang pamilya ko at ilang kaibigan hinggil dito. Tinimbang namin ang possibilities, ang kakaharaping stress, lalo ang may kinalaman sa kabuhayan showcase. You see, hindi lang naman ito tungkol sa suweldo, may mga non-wage benefits kaming natatanggap — yes, kami ng pamilya ko — bilang propesor sa unibersidad bilang bahagi ng kabuhayan showcase.

Kaya ko itong harapin lahat kung ako lang ang magdedesisyon. Kaya kong iwan ang comfort zone ko. Kaya kong harapin ang stress at inaasahang politika. Kaya kong magsimula at makisama. Kaya kong tanggapin ang pagbabago sa aspektong may kinalaman sa kabuhayan showcase. May ideya na rin ako ng mga pagbabagong maaaring ibahagi sa PLV na saklaw pa rin ng mandate nito, at ang kakayahan ng Pamahalaang Panlungsod ng Valenzuela — thereby its people, tayo — na tustusan ng pondo mula sa ating buwis. May ideya akong lalo sa maaaring gawin upang magkaroon ng bukas na ugnayan ang mga estudyante ng PLV sa kanilang opisyales nang hindi nare-redtag o nagdudulot ng takot at kaba. Bukas ako sa mga puna at kritisismo lalo kung constructive. Dala ko ito kahit saan ako mapadpad na trabaho. Pero may sitwasyong hindi pa favorable sa akin sakaling mag-apply ako (huwag na nating pag-usapan kung tatanggapin pa because of, you know, climate, political or the weather kind, jejeje).

Una, ang kakaharaping sistema at kultura sa loob at sa immediate na labas (read: local politics). Hindi lang ako ang nasa comfort zone ngayon. Maging ang mga nasa PLV na nasanay sa liderato ng humigit kumulang dalawampung taong pamamahala ng pangulo ay nasa comfort zone na rin marahil. Anumang pagbabago sa sistema ay magiging mabigat sa isa’t isa.

Ikalawa at ang masaklap: kabuhayan showcase. Gaano ko man kayang iwan ang comfort zone ko at ang kaakibat na kabuhayan, hindi lamang naman ako ngayon ang nakikinabang dito. Maging mga anak ko ay nagtatamasa sa pribilehiyo ng isang tenured na propesor. Iyon ang kritikal. Ibang usapin kung bakante ang posisyon at tapos na sa pag-aaral ang aking mga anak. Kaya ko nang bitbitin ang aking sarili. 

Sa dalawang dahilan na ito kaya ako magdedesiyong hindi MUNA mag-apply. Hindi muna, dahil malay natin, baka sa susunod kapag nagbago ang klima at ang kabuhayan, kaya ko nang suungin ang hamon mula pag-a-apply, panel interview/s, hanggang teaching demonstration kung kailangan. Kakayanin ko ring sumayaw sa tugtog ng politika kung kailangan basta para sa PLV.

Sa ngayon, hindi muna ako mag-apply pero maaari pa rin akong mag-iwan ng mungkahi sa kung sino ang mapupusuang pangulo ng administrasyon ng lungsod:

1. Plano para sa pagtatatag ng Dr. Pio Valenzuela School of Allied Health. Napakagandang pagkakataon na ang bayan na ipinangalan sa isang manggagamot ay magkakaroon na rin ng sariling paaralan para sa gustong maging nurse, medical technologist, at manggagamot. Kailangang simulan ang pagpaplano hanggang sa makamit ito. Malaki ang demand sa allied health professionals sa loob at labas ng bansa at maraming mag-aaral ang tiyak na magkakainteres sa mga kursong ito. Katunayan ang malaking pribadong unibersidad sa lungsod na nag-o-offer ng allied health courses. 

2. Pagkakaroon ng PLV Labor Studies and Policy Center sa ilalim ng College of Public Administration at kalaunan, ang Justice Guillermo Santos School of Law. Kilala ang Valenzuela bilang sentro ng mga pabrika at industriya sa bansa. Nakilala rin ang Valenzuela bilang Strike Capital ng bansa dati. Napakaraming manggagawa ang nag-aambag ng buwis sa kaban ng lungsod. Marami ring manggagawa ang nagiging biktima ng hindi makataong pamamalakad. Bilang sentro ng karunungan sa lungsod, magandang maging ugnayan ang PLV sa mga pag-aaral at panukalang polisiya upang mapapabuti pa ang antas at trato sa mga manggagawa kaalinsabay ng pagkakaroo ng sariling law school. Bilang panimula, mungkahi kong makipag-ugnayan sa UP School of Labor and Industrial Relations upang mapalawig ang mga pag-aaral na isinasagawa at pakinabangan mismo ng mga manggagawa sa lungsod ang anumang polisiyang magpapabuti sa kanilang kalagayan. 

3. Maging bahagi ang PLV ng ASEAN University Network upang ma-standardize ang proseso at sistema kasabay ng mga nangungunang unibersidad sa bansa at rehiyon.

4. Proseso ng pag-tenure sa maraming guro ng PLV. Naniniwala ako na ang pagkakaroon ng security of tenure ang magpapalakas at magpapataas sa moral ng mga guro upang lalong galingan ang kanilang pagtuturo. Mawawala ang kaba at agam-agam sa bawat pagtatapos ng semester dahil sa kanilang non-permanent o job order status. Mawawala rin ang patronage politics lalo’t nakasalalay sa mga pipirma sa kontratang politiko ang kanilang trabaho bilang mga guro. 

5. Palakasin ang partnership sa private sector upang dumami ang grants na makakatulong para sa scholarship, publication, at research. Ang unibersidad ay umiiral dahil sa kaniyang mag-aaral at dapat nangunguna sa pagdudulot ng inobasyon sa pamamagitan ng research.

6. Isang Office of Student Affairs na makikinig at lehitimong mangangalaga sa kapakanan ng mga mag-aaral na may malinaw na prosesong sinusunod upang maiwasan ang mga arbitrary rules.

Hindi man ako maging bahagi ng PLV, masaya akong makikita kung alinman sa aking mungkahi ay pahahalagahan ng susunod na pangulo. 

Nawa ay magsilbing closure ang liham na ito sa mga usap-usapan sa Lungsod ng Valenzuela. 

Gumagalang,

Joselito D. De Los Reyes
 
Rappler.com

Professor ng seminar in new media, writing for new media, at creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Kasalukuyan siyang chairperson ng UST Department of Creative Writing.

Market Opportunity
OpenLedger Logo
OpenLedger Price(OPEN)
$0.17479
$0.17479$0.17479
-2.64%
USD
OpenLedger (OPEN) Live Price Chart
Disclaimer: The articles reposted on this site are sourced from public platforms and are provided for informational purposes only. They do not necessarily reflect the views of MEXC. All rights remain with the original authors. If you believe any content infringes on third-party rights, please contact service@support.mexc.com for removal. MEXC makes no guarantees regarding the accuracy, completeness, or timeliness of the content and is not responsible for any actions taken based on the information provided. The content does not constitute financial, legal, or other professional advice, nor should it be considered a recommendation or endorsement by MEXC.