Binibigyang-pansin ang sining at kultura tuwing Pebrero dahil ito ang itinakdang buwan para rito. Subalit, bakit parang pansamantala lamang ang ating pagpapahalaga?
Matapos ang makulay na National Arts Month, ay tila naglalaho na lamang ang sigla nito.
Maraming dahilan at kasagutan sa katanungan kung susumahin natin ito. Marahil binibigyang halaga natin ang malalaking festival kaysa sa araw-araw na paglikha. Kapag tapos na ang ribbon cutting at mga paputok, tapos na rin ang trabaho, wala nang paghimok na nangyayari sa publiko upang tumingin pa ng sining sa mga ordinaryong araw.
Minsan, nakikita lang din natin ang sining bilang palamuti lamang sa isang okasyon at hindi bilang isang mahalagang bahagi ng pag-unlad ng lipunan. Dahil dito, kapag wala nang “selebrasyon,” wala na ring nakikitang dahilan ang marami na bigyan ito ng espasyo. Hindi ito nakatanim sa ating sistema bilang isang essential service gaya ng ekonomiya o kalusugan, kaya madali itong maisantabi sa budget at atensyon.
Kulang din tayo sa mga sentro ng sining na bukas at aktibo buong taon sa labas ng Metro Manila.
Ang panawagan dapat natin ay huwag nating limitahan ang sining sa “aesthetic” lang. Gamitin natin ito sa pagtuturo ng agham, ng klima, o gamitin natin ito bilang bahagi ng pagbuo ng mga pagkilos ng mga kabataan.
Bilang pangunahing institusyong nagtataguyod at nangangalaga sa sining at pagkakakilanlan, ang gabay ng National Commission for Culture and Arts (NCCA) ay mahalaga upang ang sining ay hindi manatiling isang hiwalay na aktibidad lamang. Ang pagbuo ng isang komunidad ng mga artist ng regular na nag-uusap at nagpakitang-gilas ay mas epektibo kaysa sa isang beses na selebrasyon, Sa ilalim ng kanilang pangunguna, dapat nating itulak na ang sining at kultura ay maging integral na bahagi ng ating mga polisiya sa edukasyon, kalikasan, at lokal na pamamahala. Sa ganitong paraan, masisiguro nating may sapat na pondo, atensyon, at pagpapahalaga ng nakalaan para dito
Sa huli, ang sining ay hindi dapat ituring na parang dekorasyong Pasko na inilalabas lamang tuwing sasapit ang Pebrero at itinatago muli pagdating ng Marso. Ang pagtrato rito bilang isang “seasonal” na kaganapan ay isang insulto sa ating pagkakakilanlan at sa lalim ng ating kultura. Kung hahayaan nating maging anino na lamang ang sining sa mga susunod na buwan, ninanakawan natin ang ating mga sarili ng pagkakataong makita ang mundo sa mas malalim na perspektiba. Ang sining ay hindi lamang pansamantalang aliw; ito ay ang matibay na pundasyon ng ating kolektibong kamalayan na dapat nating panindigan at pagyamanin sa bawat araw ng taon.
Huwag nating hayaang mapatid ang alab ng ating pagkamalikhain sa paglipat lamang ng pahina ng kalendaryo. Ang hamon sa bawat isa ay ang maging bahagi ng ating pang-araw-araw na sistema ang pagpapahalaga sa sining. Sa halip na maging huling prayoridad, dapat itong maging katuwang sa bawat adbokasiya, sa bawat silid-aralan, at sa bawat kalsada. Sapagkat ang tunay na tagumpay ng sining ay hindi nasusukat sa ingay ng isang buwang festival, kundi sa kung paano nito patuloy na binabago ang ating buhay, napatitibay ang ating prinsipyo, at pinag-aalab ang ating pagka-Pilipino, anuman ang buwan o panahon.


