Bakit mapanganib para sa buong mundo ang pag-invade ni US President Donald Trump sa Venezuela at pagdakip sa presidente nitong si Nicolás Maduro? At ano ang epekto nito sa Pilipinas?
“New normal” ang nilikha ni Trump — isang bagong world order kung saan “might is right” at okay lang ang direktang pakikialam sa pulitika ng isang bansa — kahit pa laban sa isang diktador tulad ni Maduro.
Sa invasion na ito, may road map na raw si Vladimir Putin, Xi Jin Ping, at Benjamin Netanyahu na ituloy ang pananakop nila sa mga teritoryong matagal na nilang inaasam-asam. Ayon kay ML Party List representative Leila De Lima — ginagawang normal ang invasion ng Russia sa Ukraine, ang expansionist aggression ng Tsina sa West Philippine Sea, at genocide ng Israel sa Palestine.
Sabi rin ni De Lima, may implikasyon ito sa Pilipinas na nakasandal sa US sa hidwaan laban sa Tsina sa West Philippine Sea. Compromised na raw ang moral ascendancy ng partner ng Pilipinas. (BASAHIN: US attack on Venezuela a ‘reality check’ for PH-US alliance, says De Lima)
Lantarang sinusuway ni Trump at ng Estados Unidos ang rules-based international order — partikular ang Article 2(4) ng UN Charter na nagbabawal ng paggamit ng dahas laban sa teritoryal na integridad ng anumang bansa. Ito’y safeguards na inilatag ng United Nations upang masawata ang lantarang invasion o panghihimasok ng isang malakas na bansa sa isang mahinang bansa.
Hudyat din ito sa pagbabalik ng Estados Unidos sa Monroe Doctrine na tinalikuran ng mga nakaraang presidente mula 2013.
Operation Absolute Resolve is not about Maduro or his narco state na ginagamit na rationalization ni Trump upang manghimasok sa Venezuala. Ito’y tungkol sa America First doctrine ni Trump — at ang pangarap niyang i-dominate ang Latin America.
Nauna nang itinanggi ni Maduro na isa siyang cartel boss, at inakusahan ang US na ginagamit lang nito ang “war on drugs” upang makontrol ang Venezuela. Sa malamang sa hindi ay dawit nga sa cartel si Maduro — pero hindi pa rin ‘yan katanggap-tanggap na dahilan upang sugurin ang isang independyenteng bansa.
Nakakatawa sana kung hindi ito napakalaking trahedya. Kahit ang “war on drugs” ay pahina mula sa giyera kontra droga ni Rodrigo Duterte.
Ngayon pa lang, pinapapasok na ni Trump ang US oil companies sa Venezuala — at Estados Unidos daw ang magpapatakbo ng bansa habang inaayos ang oil infrastructure. Mangyayari man ito o hindi ay malaking palaisipan.
Padausdos ang demokrasya sa buong mundo — at muling bumumulaga sa atin ang katotohanang ito — andiyan ang invasion ng Russia, ang giyera ng Israel sa Gaza, ang pagkanti ng Tsina gamit ang war games sa Taiwan — ngayon, isang pinuno ng malayang bansa ang dinagit ng US at dinala sa New York.
Ano ang ginagawa ng world leaders sa harap ng pambabastos sa pandaigdigang batas? Nagliparan ang ang condemnation kaliwa’t kanan. Nagtawag ang UN ng emergency sessions — pero ano’ng magagawa nito sa harap ng veto powers ng US? In shock din ang Europa — kamakailan lang nito tunay na natanggap na kailangan nitong wakasan ang pagsandal sa US — sa aspetong militar at pang-ekonomiya — pero huli na ang lahat.
Sa bandang huli, natutungyahan natin ngayon ang isang mundo na sabog-sabog at tuliro sa harap ng agresyon ni Trump laban sa Venezuela.
Tila kinakaharap ng mundo ang walang-katumbas na hamon sa demokrasya, at mukhang walang nakaposisyong banggain ito. Tila simula pa lang ito ng mahabang gabi para sa mga nagtatanggol sa kasarinlan. – Rappler.com

