Nitong nakalipas na 2025, nagulantang tayo sa antas, lawak, at porsiyento ng korupsiyong nagaganap sa budget. Pero sa kabila ng galit ng publiko, tuloy ang ligaya — at naipasa ang budget. At ayon sa press release ng Malacañang, itong 2026 budget daw ay mas malinis sa mga nakalipas na budget.
Sabi nga ni economy columnist ng Rappler na si JC Punongbayan: Don’t take the politicians’ word for it. Paliwanag niya, “It’s only marginally cleaner than the 2026 budget, and many reforms are just for show.” (In This Economy: Debunking misleading claims about the 2026 budget)
‘Di ba dapat hindi na tayo magpabudol ulit? Happy na ba kayo na may ilang nakulong? (TRACKER: Contractors and government officials jailed over flood control corruption)
Pero ‘yung tunay na big fish — ‘yung tinatawag ni Rappler editor at large Marites Vitug na “big whales” — ay tila nakaliligtas sa accountability.
Tinatayang 20% ng national budget ang nauuwi sa korupsiyon taon-taon — at kung kukuwentahin simula 2016, may estimates na umaabot na raw ito sa tumataginting na P8.8 trillion!
So ano ang dapat gawin? Magaling tayo sa pagpupuyos ng damdamin — magaling tayo sa rally, sa Facebook posts at memes — pero boring ang budget oversight na kailangan ng sinop at tiyaga, hindi lang kuda. ‘Yan mismo ang dahilan bakit naransack ito ng mga kawatan.
Kami sa Rappler ay nananawagan na palawakin ang push for transparency sa antas ng mga departamento. Ano ba ang natanggap at ano ang ginastos ng bawa’t kagawaran? Dapat mabigyan ng access ang mga watchdog diyan.
Dapat magpatupad ng mas malalim na legislative oversight ang Senate at House sa malalaking gastusin tulad ng infrastructure projects — habang ang mga proyekto ay gumugulong, hindi yung tapos nang i-roll-out. Madaling ipeke ang compliance checklists, tulad nga ng nakita natin sa exposé ni Senador Ping Lacson. Ilan ba sa flood control projects ang “completed” sa papeles (para makubra ang bayad) pero nakatiwangwang pa rin pala?
Hindi puwedeng business as usual sa oversight ng budget. At hindi lang ito trabaho ng watchdogs — lahat ng civic organizations dapat magbuo ng local budget watch: paano ba ginagastos ng mga LGU ang Local Government Support Fund? Paano ba ipinapamigay ang ayuda? Paano ba ginagastos ng Department of Education at Department of Health ang pondo nila?
Bantayan hindi lang ang hard, kundi pati ang tinatawag na soft pork. Halimbawa ng hard pork ay ang “allocable” funds ng Department of Public Works and Highways at farm-to-market roads ng Department of Agriculture. Ang soft pork ay ang discretionary ayuda projects na ipinapamigay kapag guarantor ang politiko.
Sabi ni Punongbayan, nagminimize man ng UA o unprogrammed appropriations, mas nakababahalang nananatili itong tambakan ng mga proyektong dapat nakaprograma — at ginagawa raw ito upang magkaroon ng puwang para sa pork!
Okay lang ang taas-kamao at martsa — pero kailangang magsunog ng kilay ang mga bantay-kaban ng bayan upang matiyak na ginagastos sa tama ang budget, at hindi na muling mauuwi sa slush funds.
Huwag tayong pumayag na maging promotor na naman ng korupsiyon ang 2026 budget imbes na maging tagaudyok ng paglago. – Rappler.com


