Di kayo dapat late.
Alam ito ng sinumang nakatrabaho na si Virgilio S. Almario aka Rio Alma, National Artist for Literature. Sa klase, meeting, o saanmang event, hindi mo maiiwasang mahiya kapag na-late ka dahil tiyak na maaga siyang dumating.
Matandang salita para sa “ginto” sa Hiligaynon, Sebwano, Bikolano, at Tagalog ang “bulawan.” Patunay na may sariling kaalaman na ang ating mga ninuno sa paglinang ng ginto noon pa. Isa rin ito sa mga turo sa amin ni Sir Rio — ang lumingon sa ating nagdaan para mapakinabangan sa kasalukuyan ang dunong ng ating mga ninuno. Kahit sa salita ka muna magsimula.
Balik sa pagiging late. Nakita ko na kung paano niya punahin ang mga táong nahuhulí sa mga meeting. Kung paano nagbabago rin ang mga tao para matiyak na makarating sila sa tamang oras kapag makikipagkita sa kaniya. Para hindi na sila kabitan ng “the late” sa kanilang pangalan na pang-asar ng mga kasama.
Dati rin kasi, “the late RR Cagalingan” ako madalas. Sa isang pulong, halos 30 minuto akong late, kayâ parang wala akong mukhang maiharap sa kaniya at sa mga ibang ka-meeting noon. Natauhan ako. Kayâ masasabi kong isa sa mga dahilan ang pulong na iyon kung bakit ako nagsimulang magmotor. Para hindi na ma-late.
At ano naman ang matututuhan mo pa sa pagpapahalaga niya sa panahon? Napakaraming bulawang bagay.
Pagbibigay ito ng paggalang sa panahon ng iba. Hindi dahilan ang trapik o anumang pinagdaanan mo dahil isinasaalang-alang mo kasi dapat ang ginawang konsiderasyon rin sa oras ng iyong katatagpuin.
Sa sarili naman, ‘pag iginagalang mo ang sariling panahon, nagbubukas ito sa iyo ng espasyo para sa pagninilay at pagpapakahusay. Napakaraming bagay na dapat alamin tungkol sa ating nagdaan: ang panitikan, kultura, kasaysayan, at iba pa. Ang mga puwang o gap na ito ang dapat na pinaglalaanan ng panahon para pag-aralan. Maaari rin itong punan gamit ang ating haraya o imagination.
Sabi niya naman sa pagtula, kung nais mo talagang makasulat, dapat maglaan ka ng isang oras kada araw. Mahirap, pero bahagi rin ito ng pakikipagkasundo sa panahon. Biruin mo kung gaano katagal na niya ito ginagawa. Ang disiplinang umupo at maglaan ng oras para sa isusulat ang mananaig sa anumang writer’s block. Hindi mo kailangan ng inspirasyon o musa para sumulat. Kailangan mo lang umupo.
Pero ngayon nakikita ko na ang marangal niyang paglaban sa panahon. Tumatanda na rin ang aming guro. At, sabi nga nila, walang makatatalo sa panahon. Pero ngayon, nagpapasalamat pa rin ako sa patuloy na pagkatuto mula sa kaniya. Sa biyaya ng kaniyang harayang mababakas sa pinakabagong tula o sipat sa mga pangyayari sa Filipinas (na nasa Facebook page niya o sa pinakabagong libro). At di pa kasama riyan ang marami na niyang isinulat at ang daigdig ng teksto na dapat pa nating basahin at paglimian.
Kukulangin tayong lahat sa panahon, pero ganoon naman talaga ang búhay. Sa huli, nagpapasalamat ako sa kaniyang halimbawa. Sa hindi pagdadamot ng panahon sa mga makatang nais matuto, sa mga iskolar na nais pang ayusin ang kanilang Tinging Filipino, sa mga guro na nais pang magpakahusay sa paghubog ng mga anak ng bayan, o sa sinumang may pakialam sa ating minamahal na Filipinas.
Maligayang kaarawan po, Sir Rio. Di po sana ako mahulí sa susunod na pagkikita. Kung mahuli man, sasambitin na lang: bulawan, bulawan, bulawan. – Rappler.com
Sumusulat si Roy Rene S. Cagalingan ng mga tula at sanaysay. Kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Isa siyang manggagawang pangkultura.

